Mahigit 60 million na mga Pinoy na raw ang nakarehistro sa step 2 ng Philippine Identification System (PhilSys) project.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang na-facilitate na raw na mga nagrehistro sa Step 2 ay mayroon nang kabuuang 60,483,095.
Sa naturang step, nakumpleto na ng mga magpaparehistro ang biometric information gaya ng fingerprints, iris at front-facing photographs sa iba’t ibang registration centers nationwide.
Umaasa naman si PSA Undersecretary Dennis Mapa na siya ring National Statistician at Civil Registrar General na mas marami na ring magpaparehistrong mga kababayan dahil na rin sa mas maluwag na community quarantine.
Ang registration ay mayroong tatlong step.
Sa step 1, kailangang magrehistro online sa website ng Philsys ang mga aplikante.
Habang sa Step 3 ay dito na ide-deliver ang physical PhilID cards sa mga may-ari nito sa pamamagitan ng Philippine Postal Corporation (PHLPost).
Sinabi ni Mapa na tiwala raw ang PSA na mas marami nang mga Pinoy ang makakapag-avail ng Philippine Identification (PhilID) cards o ang national ID sa mga susunod na buwan.
Habang pinabibilis naman daw ng PhilSys ang operasyon ng mga ito sa registration, siniguro naman ng PSA na patuloy pa rin ang kanilang pagsunod sa public minimum health protocols na itinakda ng Inter Agency Task Force (IATF) para maiwasan ang pagkalat ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Una rito, sinabi ng PSA na naglabas na ang Malacañang ng memorandum circular order na nagbibigay ng direktiba sa lahat ng functional government agencies na maghanda ng “PhilSys integration” sa kanilang proseso at kanilang mga serbisyo.
Maliban dito, nag-isyu rin ang Malakanyang ng executive order na nagmamandato sa mga government agencies na tumanggap ng PhilID card at PhilSys Number (PSN) bilang sufficient proof of identity sa kanilang mga transaksiyon sa gobyerno.
Ang PhilSys Act ay pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong buwan ng Agosto taong 2018.
Layon nitong magkaroon lamang ng iisang national ID para sa lahat ng mga Pilipino at resident aliens.