-- Advertisements --

Hindi bababa sa 13 pamilya o 64 na indibidwal ang naitalang inilikas sa mga evacuation centers sa Brgy. Jagobiao lungsod ng Mandaue matapos naapektuhan ng pagbaha dahil sa nararanasang walang tigil na pag-ulan dulot ng tropical depression Paeng.

Binisita ng mga miyembro ng City Social Welfare Services ang mga apektadong pamilya at ipinamahagi ang food packs na naglalaman ng bigas, noodles, canned goods, mineral water at biskwit.

Binigyan din ang mga ito ng disaster kits na may kasamang t-shirt, shorts, underwear, tuwalya, banig, shampoo, toothbrush at toothpaste.

Nakablue alert status na ang lungsod kung saan alerto 24 oras ang mga responders para sa agarang pagresponde sakaling magkaroon ng emergency.

Una nang nagdeklara ng suspensyon sa klase sa lahat ng antas ng lungsod kaninang umaga dahil sa walang tigil na pag-ulan.

May mga naitala namang mga pagbaha at abot bewang na tubig-baha.

Habang sa Brgy. Tingub ng nasabing lungsod, isang istraktura ang apektado matapos gumuho ang lupa.