Target ng Department of Education (DepEd) na makapagpatayo ng mahigit 6,000 na silid-aralan sa susunod na taon.
May nakalaan kasing halos P15.9-billion para sa pagpapatayo ng mga bagong classroom sa bung Pilipinas ayon sa Department of Education (DepEd).
Sa plenary deliberation ng panukalang 2023 budget, ibinahagi ng sponsor ng panukala na si Senador Pia Cayetano na ang pondong ito ay makagagawa ng 6,647 na mga bagong silid-aralan.
Kabilang pa sa mga paraan para matugunan ang kakulangan ng mga silid-aralan sa buong bansa ay ang pagrerebyu ng Blended Learning Program.
Pinag-aaralan na kasi ng DepEd (Department of Education) na ma-institutionalize ang Blended Learning para matugunan ang classroom gap.
Una nang ibinahagi ng ahensya na higit 164,000 ang kulang na classroom sa bansa.
Sinabi rin ni Cayetano na ikinokonsidera na ng ahensiya ang karanasan ng bansa sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic sa disenyo ng mga bagong silid aralan na ipapatayo.
Kabilang na dito ang mas matataas na kisame at mas malalaking mga bintana.
Hinihiling naman ng DepEd na mapaglaanan ng pondo ang kanilang priority school health facilities na nakapaloob dito ang pondo para sa paglalagay ng mga handwashing facilities.
Sa ilalim kasi ng panukalang pondo ng ahensya, zero o walang nakalaang pondo para dito.