-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nasa kustodiya na ng mga otoridad ang mahigit 50 loose firearms at eksplosibo na boluntaryong isinuko ng mga residente mula sa 27 na barangay sa bayan ng Palimbang, Sultan Kudarat.

Ayon sa report, pinangunahan ang nasabing turnover ceremony ng mga opisyal ng local government units (LGU)-Palimbang na kinabibilangan ni Palimbang Mayor Ramon Abalos, Association of Barangay Captains (ABC) President Norhato Sanday at ni 1st Mechanized Infantry Brigade Commander Lt. Col Efren Baluyot.

Kaugnay nito, kabuuang 55 mga armas at 11 granada ang itinurn-over ng mga residente bilang pagpapakita ng suporta sa militar kasabay ng umiiral na martial law sa Mindanao at election gun ban.

Napag-alamang ang bayan ng Palimbang ang isa sa mga tinututukan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) dahil sa mga magkasunod na insidente ng patayan.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang pakikipag-ugnayan ng militar sa mga local officials upang tuluyan nang makumbinsi ang mga nagtatago ng hindi lisensiyadong armas at eksplosibo na isuko na ang mga ito.