CAGAYAN DE ORO CITY – Tumambad sa mga tauhan ng Bureau of Customs at Sugar Regulatory Administration ang nasa 466,142 sako ng raw sugar na pagmay-ari ng Crystal Sugar Milling na nakabase sa Bukidnon subalit mayroong bodega sa Cagayan de Oro City.
Ito ay kasunod ng unang kautusan ng Pangulong Bongbong Marcos na halughugin ang lahat ng warehouses na nag-iimbak ng mga asukal upang tukuyin kung sino sa mga negosyante ang nasa likod nang ilegal na pag-iimbak ng asukal.
Sinabi ng BoC Intelligence and Investigation Service na sa nabanggit na bilang,na-ibenta na umano ng kompanya ang nasa 264,000 sugar sacks subalit hindi pa lamang nakuha ng kanilang traders.
Kaugnay nito,hinahanapan ng taga- Customs ng kaukulang mga dokumento ang caretaker ng bodega para matukoy kung totoo na hindi illegal ang pagka-imbak ng mga asukal.
Una nang inamin ng isang warehouse manager na si Javier Sagarbarria na kaya nila makapag-produce ng dalawang milyong sako ng asukal kada-taon.
Magugunitang sa Northern Mindanao,tanging ang Bukidnon lang ang mayroong sugarcane plantation at dalawa rin na milling entities ang nakabase roon kung saan kabilang ang kompanya ng Crystal.