Magihit 4,000 drivers na mayroong maraming traffic violations ang sinuspindi ngayong ng Land Transportation Office (LTO) na mag-drive dito sa Metro Manila.
Base na rin ito sa listahan na isinumite ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Land Transportation Office (LTO) na aabot sa 11,000 drivers ang nahuli dahil sa paglabag sa batas trapiko sa EDSA.
Sinabi ni traffic chief Edison Nebrija na aabot pa rin naman sa 7,000 ang pinayagang makapagmaneho sa kabila ng pagiging “habitual violators.”
At dahil wala umanong police powers ang MMDA na huliin ang mga pasaway na drivers, mas mahigpit ngayon ang pakikipag-ugnayan nito sa LTO at PNP para pagbawalang magmaneho ang mga iresponsableng motorista.
Ang hakbang ng MMDA ay dahil na rin sa 60 aksidenteng nangyayari sa EDSA dahil sa mga concrete barriers na inilagay sa highway na isinisisi sa kanila.
Pero ayon kay Nebrija, base sa statistics ng MMDA, ang pagmamanehong nakainom ang pangunahing dahilan ng aksidente sa kalsada.
Ngayong taon daw, sa 509 na aksidente sa EDSA 105 lang ang naaksidente dahil sa mga inilagay na concrete barriers.
Kabilang din sa mga dahilan ng aksidente ang human error, nakakatulog sa pagmamaneho at ang pagkaka-distract o paggamit ng cellphone habang nagmamaneho.