ILOILO CITY – Umabot na sa mahigit 3,000 mga indibidwal at establisimento na lumabag sa health protocols mula Hunyo hanggang Agosto 2021 sa lungsod ng Iloilo.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Mr. Nestor Canong, pinuno ng Compliance team ng lungsod, sinabi nito na sa loob ng tatlong buwan, nasa P235,000 na natipon ng City Treasurer’s Office mula sa mga violators na karamihan ay in-isyuhan ng citation ticket na may multang P1,000 at may community service.
Ayon kay Canong, mahigit pa sa 50 mga indibidwal na hindi nakabayad ng multa at hindi rin nakapag-render ng community service ngunit ang kanilang mga pangalan ay isinumite na sa City Legal Office upang mapadalhan ng “summon.”
Dadgag nito, marami pa ring mga pasaway na lumabag sa minimum health protocols lalo na ang mga walang face mask at hindi tamang pagsuot ng face mask.
Ang perang natipon mula sa mga violators ay dinadagdag sa pondo ng lungsod at ginagamit para sa mga pangangailangan ng medical frontliners.