-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Pinaghahanda na ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council ng Manito, Albay ang pagpalikas sa nasa 360 na pamilya sakaling lumakas pa ang mga nararanasang pag-ulan sa lalawigan.

Mula ang mga residente sa mga barangay ng Malobago, Cawit at Balabagon na nasa banta ng pagbaha at landslides dahil sa mga pag-ulan dala ng Tail End of a Cold Front.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Manito MDRRMC head Joebert Daria, batay sa latest rainfall data na hawak, umabot na sa 198 mm ang ibinagsak na rainfall amount.

Nasa 200 mm naman ang holding capacity ng lupa sa naturang bayan kaya’t hindi aniya malabo ang posibleng pagguho ng lupa at pagbaha.

Kaugnay nito, inatasan ang mga punong barangay sa evacuation movement na nakadepende sa namomonitor na sitwasyon sa nasasakupan.

Maging ang biyahe ng mga pampublikong sasakyan na rutang Legazpi-Manito ang inabisuhang maagang igarahe sa gitna ng masamang lagay ng panahon.

Nagpatupad naman ng class suspension sa nasabing bayan dahil sa mga pag-ulan nitong Martes.