Aabot pa lang sa 4.5% o 3.2 million ng 70-million target population ng pamahalaan ang fully vaccinated na kontra COVID-19, ayon sa Department of Health.
Sinabi ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje na 12,703,081 doses ang naiturok na sa buong bansa hanggang noong Hulyo 8, o average 200,000 kada araw ang naituturok.
Kabuuang 9,493,839 indibidwal ang nakatanggap at naturukan na ng first dose, o 13.4% ng 70-million target population ng pamahalaan.
Sa naturang bilang, 3,209,242 dito ang fully vaccinated na o nakatanggap ng dalawang doses ng COVID-19 vaccines.
Samantala, sa targeted na 1,626,495 health workers mula sa A1 sector, sinabi ni Cabotaje na 1,603,717 ang mayroong partial protection at 1,165,125 naman ang nakakumpleto na ng dalawang doses.
Sa expanded A1 priority groups naman na kinabibilangan ng mga outbound OFWs at mga kaanak ng health workers, sinabi ng DOH na 161,959 ang nakatanggap na ng first dose at 14,365 naman ang may dalawa nang doses.
Pagdating sa targeted 8,274,916 senior citizens, nabatid na 2,632,861 ang may partial protection at 861,560 ang fully vaccinated na.
Sa 7,085,183 targeted persons na mayroong comorbidities, 3,184,933 ang mayroon nang first shot at 1,039,710 ang may dalawang doses.
Sa 35.5 million targeted essential workers, 1,614,481 ang nakatanggap na ng partial protection at 103,990 naman ang fully vaccinated.
Sa kabilang dako, sa 6,215,383 targeted indigent Filipinos, 295,888 dito ang naturukan ng one dose at 24,492 naman ang nakatanggao ng dalawang doses.










