BAGUIO CITY – Gumagawa na ng paraan ang embahada ng Pilipinas sa bansang Nigeria para maisama ang mga apektadong overseas Filipino workers (OFWs) sa West at South Africa sa Department of Labor and Employment (DOLE) para sa “DOLE-AKAP” cash assistance ng pamahalaan.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Philippine Ambassador to Nigeria Shirley Ho-Vicario, sinabi niyang aabot sa 3,000 ang mga OFWs sa kanluran at silangang Africa at karamihan sa mga ito ay skilled workers sa mga kompanya ng gaas at sa industriya ng konstruksion.
Aniya, tatlong OFWs doon ang nahawaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ngunit nakarekober na ang dalawa habang patuloy na nagpapagaling ang isa pa.
Isinailalim na rin aniya sa repatriation ang higit 280 na mga OFWs mula sa 15 na bansa na sakop ng embahada ng Pilipinas na nakabase sa Nigeria noong nakaraang buwan.
Dinagdag niya na walang gasto ang embahada sa pagpapauwi sa mga nasabing OFWs dahil sa diplomatic relations ng Pilipinas sa mga host countries.
Napag-alamang sa May 4 magtatapos ang idineklarang lockdown sa Nigeria dahil sa COVID-19 pandemic bagaman maipapatupad pa rin ang mga quarantine protocols.