Suportado ng mahigit 220 mambabatas ang panukalang Bayanihan to Arise as One Act (Bayanihan 3), na naglalayong masolusyunan ang epekto ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Speaker Lord Allan Velasco, 224 kongresista mula sa supermajority, minority at independent blocs ang tumayo bilang principal authors o co-authors ng House Bill No. 8628.
Sa isang statement, nagpahayag ng kanyang pasasalamat si Velasco sa suporta ng mga kasamahan nito sa Kamara sa panukalang naglalayong magbigay ng aniya’y “much-needed” na tulong sa mga apektado ng pandemya.
Layon ng Bayanihan 3 na makapagbigay ng P420-billion halaga na gagamitin sa pagbangon ng ekonomiya ng bansa bunsod ng public health crisis.
Sa naturang halaga, P52 billion ang inilalaan para sa subsidies sa mga maliliit na negosyo na gagamitin naman para sa pasahod nila sa kanilang mga empleyado at iba pang work-related expenses.
Para sa capacity-building ng mga negosyo sa mga critically impacted sectors, P100 billion ang inilalaan.
Nagkakahalaga ng P108 billion naman ang alokasyon para sa karagdagang social amelioration sa mga apektadong pamilya sa pamamagitan ng mga programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ang ayuda para sa mga magsasaka, livestock producers at mga mangingisda ay pinaglalaanan ng P70 billion; P30 billion para sa implementasyon ng unemployment assistance at cash-for-work programs sa ilalim ng Department of Labor and Employment; P30 billion para sa internet allowance ng mga primary, secondary at tertiary students; P5 billion para sa rehabilitation sa mga lugar na apektado ng mga malalakas na bagyo; at P25 billion para sa pagbili ng COVID-19 medication at vaccines.










