-- Advertisements --

Pinalikas na ang mahigit 200,000 katao sa Regions V, VIII, CALABARZON AT MIMAROP kasunod na rin ng epekto ng pananalasa ng Bagyong Tisoy.

Batay sa 8 a.m. situation report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), kabuuang 225,678 indibidwal na o 57,918 pamilya ang pinalikas mula sa naturang mga rehiyon.

Sinabi rin ng NDRRMC na kabuuang 22 bahay ang napinsala sa Region V at CAR, kung saan 13 dito ay totally damaged habang ang natitira naman ay partially damaged.

Sa ngayon, wala pa anilang ulat sa mga nasirang kalsada at tulay gayundin ang sa iba pang mga establisiyemento.

Pitong transmission lines din sa Luzon at Visayas ang apektado ng Bagyong Tisoy, ayon sa NDRRMC, na hanggang sa ngayon ay naka-blue alert status pa rin sa pag-monitor ng sitwasyon.

Samantala, nakahanda na rin ang mga relief packs na ipapamigay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at National Resource Operations Center.

Maging ang pondo na aabot sa P1,353,912,860.63 ay nakahanda rin para gamitin sa pagtulong sa mga maapektuhan ng Bagyong Tisoy.