Pinangunahan ng higit 200 youth leaders mula sa 10 ASEAN countries kabilang ang Timor Leste at mga opisyal mula sa international development organizations ang kauna-unahang international Youth-led Summit na inilunsad ng Southeast Asian Ministers of Education Organization – Regional Center for Educational Innovation and Technology nitong June 27-28 sa Quezon City.
Layon ng “Youth Summit 2023: Transforming Education in Southeast Asia” na magbigay ng plataporma para sa kabataan na talakayin ang mga usapin hinggil sa kanilang papel sa paghubog ng edukasyon sa rehiyon.
Ayon kay INNOTECH Center Director at dating Education Secretary Leonor Briones, sa pamamagitan ng Youth Summit na ito, naibahagi ng kabataan ang kanilang mga ideya, programa at mga rekomendasyon kung paano mapabubuti ang antas ng edukasyon hindi lang sa loob ng eskwelahan, kundi maging sa komunidad at kani-kanilang bansa.
Kaiba sa mga Youth Summit na isinasagawa sa Pilipinas, maituturing aniyang tagumpay ng kabataan ang summit na ito na sila mismo ang bumuo, nanguna at pinakinggan.
Sa pagbubukas ng Summit, inilahad ng kabataan ang Youth Declaration na naglalaman ng kanilang mga rekomendasyon at ‘Commitments for Action’ para sa edukasyon.
Kabilang dito ang hiling nila sa policymakers na isama ang kabataan sa pagdidisenyo, implementasyon at evaluation ng mga polisiya hinggil sa edukasyon.
Nais din nila na paglaanan ng pondo ang mga inisyatibong may kaugnayan sa youth leadership.
Ipiniresenta rin ng youth leaders ang kani-kanilang mga programa at adbokasiya sa pamamagitan ng breakout sessions na nakatutok sa 8 usapin kabilang na ang youth leadership, inclusive education, digital learning and transformation, learning support, learning through arts and technology, entrepreneurship, environmental resilience, at psychosocial and mental well-being.
Sumentro naman ang ikalawang araw ng Summit sa panel discussion kung saan ipiniresenta ng mga lider kabataan ang kanilang mga rekomendasyon, programa at inobasyon sa mga opisyal ng gobyerno, ASEAN Secretariat, UNICEF Philippines, UNESCO at iba pang international development organizations na nagbigay naman ng kani-kanilang ‘Commitment of Support’.
Ang mga programa at rekomendasyon na ito ay gagamiting pamantayan ng INNOTECH sa kanilang mga pag-aaral at programa para sa pagpapalakas ng sistema ng edukasyon sa rehiyon.
Isusumite rin ito sa United Nations, maging sa ASEAN government bodies at mga mambabatas sa loob at labas ng Pilipinas para sa mas malawak na implementasyon.