ILOILO CITY – Umabot sa mahigit 20 na mga medical students sa tatlong unibersidad sa lungsod ng Iloilo ang nagkahawaan ng COVID-19.
Sa data ng Iloilo City Epidemiology and Surveillance Unit, umabot sa 24 na estudyante ang nagpositibo umano mula sa tatlong unibersidad.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Mayor Jerry Treñas, sinabi nito na nagpositibo ang mga estudyante matapos na nagkaroon ng sintomas ng COVID-19 ang isa sa mga estudyante na sumama sa group study.
Sa isang unibersidad naman ay nagpositibo ang mga medical students matapos na sumailalim sa RT-PCR testing na requirement sa face-to-face classes.
Ang unibersidad ang humingi ng tulong sa city government para sa COVID-19 testing.
Ayon pa kay Treñas, ang pagpositibo ng mga medical students ang isa sa mga dahilan kung bakit lomobo ang COVID-19 cases sa lungsod.
Mabuti lang ayon sa alkalde at bakunado ang mga ito kaya’t mild cases lamang.
Kaugnay nito, nakahanda ang lungsod sa posibleng pagtaas pa ng kaso ng COVID-19.
Patuloy naman ang kampanya ng mga opisyal sa publiko na mag-avail na ng COVID-19 booster shot.










