-- Advertisements --

DAVAO CITY – Nakatakdang i-turn over sa tangngapan ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang 156 na mga magsasaka na nauna nang kinustodiya ng mga otoridad matapos nakawin umano ang kahon-kahong mga produktong saging mula sa kanilang pinagtatrabahuang banana plantation.

Inihayag ni PMaj. Jay Nocidal, officer-in-charge ng Carmen Municipal Police Station, hindi kaagad nakapasok sa plantasyon ang mga otoridad makaraang harangin sila ng mga nagbarikadang empleyado.

Dahil dito kaagad na inaresto ang aabot sa 94 katao.

Akto rin umanong naabutan ng mga tauhan ng PNP ang 62 katao na ninanakaw ang mga produktong saging sa loob ng Packing Plant No. 20 ng Puyo Farm sa Purok 1, Brgy. Mabuhay, Carmen, Davao del Norte.

Sinasabing nag-ugat ang naturang problema dahil sa umano’y away sa lupa nang magreklamo ang maraming mga farm workers dahil sa matagal nang naantala nilang sweldo.

Ito umano ang dahilan kung kaya’t humantong sa pagbuo ng mga magsasaka ng isang grupo kasama ang kanilang mga advisers.

Naghain umano ang grupo ng petition for compulsory land acquisition and distribution sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program, at kahit wala pa umanong desisyon mula sa DAR office, inukupa at inangkin na nila ang lupa.

Dagdag pa ni Nocidal na inhain na nila kahapon ang mga kasong Grave Coersion at Theft laban sa naturang mga farm workers.