-- Advertisements --
Gulf News foreigners airport

Pumalo raw sa mahigt 1,300 ang bilang ng mga banyagang nai-deport ng Bureau of Immigration (BI) noong nakaraang taon.

Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, kabuuang 1,339 aliens na lumabag sa immigration laws ang nai-deport at inilagay na sa blacklist ng ahensiya noong 2022.

Karamihan naman sa mga nai-deport na banyaga ang mga Chinese na mayroong 1,104 deportees.

Sinundan ito ng South Koreans na mayroong 87 deportees, Vietnamese na mayroong 39 habang ang mga Americans ay mayroong 19 at Nigerians 12 deportees.

Kabilang sa mga nilabag ng mga naturang banyaga ang batas sa bansa gaya ng overstaying, lumabag sa kondisyon ng kanilang pananatili sa bansa at ang pagiging undesirable aliens.

Ayon kay Tansingco, sa kabila raw ng epekto ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic sa bansa lalo na sa restrictions sa buong mundo ay patuloy pa ring nakakaaresto ang Immigration ng mga pasaway na mga banyaga.

Kasabay nito, tiniyak naman ni Tansingco na tuloy-tuloy lamang ang kanilang kampanya para hindi makapasok sa bansa at umabuso ang mga illegal alien na sinasamantala ang pagiging hospitable ng ating bansa.

Posible raw na magdulot ng panganib sa lipunan ang naturang mga banyaga kapag nagtagal sa ating bansa.