NAGA CITY – Tiniyak ng Department of Health (DOH)-Bicol na kasama ang rehiyon sa initial vaccination rollout ng Sinovac vaccine.
Sa isinagawang media dialogue ng ahensya, kinumpirma ni Dra. Rita Mae Ang-bon, DOH-Bicol Program Coordinator ng COVID-19 (Coronavirus Disease) vaccine, nabatid na 11,700 doses ang inilaan sa nasabing lugar.
Katumbas nito na tinatayang nasa 5,850 katao lamang ang makakatanggap ng bakuna laban sa COVID-19.
Nakatakda na rin umanong ipamahagi ang mga bakuna sa apat na major hospital sa rehiyon, kasama ang Bicol Regional Training and Teaching Hospital sa Legazpi City, Bicol Medical Center, at NICC Doctors Hospital sa Naga City, gayundin ang Bicol Region General Hospital and Geriatric Medical Center.
Kaugnay nito, umaasa si Ang-Bon na agad na maide-deliver ang mga bakuna para agad na nilang masimulan ang vaccination rollout sa rehiyon.
Tiniyak din nito na sakaling dumating na ang mga bakuna, agad itong dadalhin sa cold room ng Bicol Central for Health Development sa Legazpi City.
Sa ngayon, naghihintay pa rin ang ahensiya ng update mula sa National Office kung sa paanong paraan ide-deliver ang mga bakuna.