-- Advertisements --

Hinimok ng law professor at law book author na si Atty. Jennifer Arlene Reyes si Sen. Francis “Chiz” Escudero na maghigpit din sa kaniyang mga kapwa husgado sa nagpapatuloy na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon sa batikang abogado, kailangang maging mas proactive ang trial presiding officer, at gamitin ang kapangyarihan ng impeachment court para matiyak na ang mga ito ay sumusunod sa alituntunin ng korte.

Bilang presiding judge, maaari aniyang gamitin ni Escudero ang contempt power, pagsabihan ang mga judge, at patayin o ipag-utos ang pagpatay sa kanilang mga mic.

Lahat ng ito aniya ay maaaring gawin ni Escudero, salig sa itinatakda ng batas, para masigurong sumusunod at hindi lumalabag sa panuntunan o impeachment rules ang kaniyang mga kapwa senator-judge.

Ayon sa batikang abogado, malawak ang saklaw ng kapangyarihan at papel ng presiding officer sa isang impeachment trial na pinapayagan ng batas.

Dahil dito, may kapangyarihan aniya ang sinumang presiding officer na disiplinahan ang ibang senator judge at tukuyin kung lumabag ang mga ito sa panuntunan ng korte.

Hindi aniya maiiwasan na posibleng lumabis ang ibang senador sa kanilang karapatan bilang judge, kaya’t maaaring pumasok si Sen. Chiz upang maiwasan ito.