KALIBO, Aklan – Nasa 104 na turista ang kasalukuyang stranded sa Boracay kasunod ng pananalasa ng Bagyong Rolly sa bansa.
Ito’y matapos nakansela ang biyahe ng mga Roll-on- Roll- off o RoRo vessel papuntang Batangas, Mindoro at Romblon, gayundin ang motorbanca patawid sa isla (vice versa) dulot ng masungit na lagay ng panahon.
Una rito, sinabi ni Malay Mayor Frolibar Bautista sa Bombo Radyo Kalibo na nagpatupad ng pre-emptive evacuation ang lokal na pamahalaan katuwang ang Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) matapos na isinailalim sa tropical storm warning signal number 2 ang nasabing bayan.
Kabilang dito ang Nabas, Ibajay at Buruanga.
Nabatid na inilikas sa mga paaralan at covered court ang mga residenteng nakatira sa coastal areas kahit na hindi masyadong naramdaman ang hagupit ni “Rolly” upang matiyak ang kaligtasan ng mga ito.