-- Advertisements --

Nasa 105,000 volunteers daw ang kailangan ng National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL) na tutulong para mapanatiling mapayapa ang 2022 national at local elections.

Sinabi ni NAMFREL Secretary General Eric Jude Alvia, ang plano nilang dagdagan ang mga volunteers ay kasunod na rin ng pinaplantsa ng Commission on Elections (Comelec) na pagdadagdag ng voting precincts.

Aniya, kung dati ay mayroon 98,000 polling precincts ay ganito rin ang bilang ng kanilang volunteer.

Kaya naman kailangan nila itong dagdagan dahil madadagdagan din ang mga presinto na gagamitin ng Comelec bilang pagsunod sa minimun health protocol para hindi na kumalat pa ang Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Para sa 2022 elections, sinabi ng NAMFREL na tututukan nila ang pag-monitor sa automated elections system (AES), open election data (OED), random manual audit (RMA) at parallel vote tabulation (PVT).

Nakikipag-ugnayan na rin daw sila sa third party oversight ng AES sa pamamagitan ng pag-obserba sa pagbili ng goods at services, pagdalo sa mga meeting kasama ang AES Steering Committee at pagiging miyembro ng Advisory Council.

Lalahok din ang NAMFREL sa local source code review at imo-monitor ang ballot printing, mock elections, delivery ng election materials, final testing at sealing ng mga vote counting machine (VCM) na gagamitin sa halalan.