Iniulat ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) na nasa kabuuang 1,003,271 individuals ang apektado ng pinagsamang epekto ng shear line at low pressure area (LPA) sa bansa.
Batay sa latest situational report ng NDRRMC ang mga naapektuhang indibidwal ay mula sa 1,452 barangays sa Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, at Caraga.
Sa nasabing bilang, 48,411 individuals o 17,671 families ang nanatili sa 156 evacuation centers, habang nasa 32,699 katao o 9,357 pamilya ang pansamanatalang naninirahan sa labas ng evacuation centers o sa kanilang mga kamag-anak.
Iniulat ng NDRRMC na dalawang katao ang naiulat na nasawi sa Eastern Visayas at isa ang sugatan dahil sa sama ng panahon.
Dahil sa shear line at LPA nasa 270 kabahayan nasira kung saan 225 dito ang partially damaged habang 45 ang totally damaged.
Batay sa assessment ng NDRRMC nasa P119,897,021 ang naitalang pinsala sa agrikultura.
Ayon sa NDRRMC nasa kabuuang P65,301,144 halaga ng tulong ang naipamahagi na sa Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, at Eastern Visayas.
Isinailalim naman sa state of calamity ang Northern Samar kasunod ng malawakang pagbaha dulot ng malakas na pag-ulan bunsod ng shear line.
Nasa mahigit 24,000 pamilya sa Northern Samar ang inilikas ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).