LA UNION – Mahigit sa 1,000 violators ang hinuli ng mga otoridad dahil sa paglabag sa umiiral na curfew ordinance sa La Union na bahagi pa rin ng Luzonwide Enhanced Community Quarantine.
Kinumpirma sa Bombo Radyo La Union ni PLt Col. Silverio Ordinado, spokesperson ng La Union Police Provincial Office (LUPPO), na kabuuang 1,076 ang hinuli na lumabag sa curfew hour, mula March 20-25 sa iba’t ibang bayan sa probinsiya.
Maliban sa bayan ng Santol, San Gabriel at Burgos na wala pang naitatalang violators.
Mula sa bilang na 1,076 violators, 404 ang mga indibiduwal habang 672 ang mga drivers na hinuli at nai-safekeeping.
Ang bayan ng Aringay ang nagtala ng pinakamaraming violators, na may 131 na indibiduwal at mahigit sa 200 ang mga drivers.
Alinsunod ito sa umiiral na Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon, na may layuning maprebentahan ang posibleng transmission ng COVID-19 sa mga residente sa La Union.









