CEBU CITY – Ipinagdiriwang ng higit sa 1,000 residente ang kapaskuhan sa kani-kanilang mga evacuation centers sa Northern Cebu kasunod ng pagtama ng bagyong Ursula.
Naranasan ng mga residente sa Daanbantayan, Poro, San Francisco, Santa Fe, at Madridejos ang malakas na pag-ulan at pagbugso ng hangin matapos isinailalim ang nasabing area sa Signal number 3 kagabi.
Ayon kay Rhee Telen Jr. ng Cebu Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na nagsagawa ang mga Municipal Disaster Offices ng pre-emptive evacuation upang ilikas ang 1,299 na mga indibidwal.
Dagdag pa ni Telen na maraming mga puno ang natumba dahil sa lakas ng bagyo at naranasan din sa Northern Cebu ang malawakang brownout.
Nakikipag-ugnayan ngayon ang Cebu-PDRRMO sa Provincial Social Welfare and Development Office at Department of Social Welfare and Development Region 7 (DSWD-7) upang isagawa ang relief operations.