-- Advertisements --

ILOILO CITY – Umabot na sa 1,500 overseas Filipino workers (OFWs) na undocumented at may expired na visa ang binigyan ng amnesty ng gobyerno ng Kuwait.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Vice Consul Adrian Baccay ng Philippine Embassy in Kuwait, sinabi nito na ang amnesty program ay magtatagal sa buong buwan ng Abril bilang tulong sa mga Pilipino kasunod ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) outbreak.

Sa ilalim ng amnesty program, pinahihintulutang makabalik sa Pilipinas ang mga OFWs at ang gobyerno ng Kuwait ang magbabayad sa lahat ng expenses kagaya ng temporary shelter, food and medical provisions, at one-way Kuwait Airways tickets.

Ayon kay Baccay, maaari pang bumalik sa Kuwait ang nasabing mga OFW’s.

Nanawagan rin si Baccay sa iba pang mga pinoy sa nasabing bansa na i-avail na ang programa.

Dagdag pa ni Baccay, pagdating sa Manila, may i-aalok din na tulong ang Department of Foreign Affairs (DFA), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Labor and Employment (DOLE) upang matulungan ang OFWs sa kanilang bayarin pauwi sa kani-kanilang lugar sa Pilipinas.

Napag-alaman na may 240, 000 na Filipinos sa Kuwait, kung saan 65 percent ang domestic workers at walo sa kanila ang nagpositibo sa virus.