NAGA CITY- Arestado ang isa sa mga itinuturing na high ranking leader ng communist terrorist group sa Camarines Sur.
Kinilala ang suspek na si Marilou Pascual Tan, aka Tinay, secretary ng Komiteng Probinsiya 2 ng Bicol Regional Party Committee (BRPC).
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Capt. John Paul Belleza, Division Public Affairs Office (DPAO) Chief, 9ID, Philippine Army, sinabi nitong ang tagumpay ng nasabing operasyon ay sa tulong na rin ng tip sa mga otoridad.
Dagdag pa ni Belleza, batay umano sa inilabas na warrant of arrest laban kay Tan ay nahaharap ito sa kasong frustrated murder.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nakumpiska sa naturang suspek ang mga anti personnel mines, granada, baril maging mga propaganda materials.
Nabatid din na kasali si Tan sa opisyal na listahan ng mga sundalo na sangkot sa Communist Terrorist Group.
Samantala, ayon kay Belleza, isa umano itong malaking accomplishment sa kampo ng mga sundalo maging ng pamahalaan gayundin sa mga tao na ninanais nang tuluyang matapos na ang limang dekadang insurgency.
Sa ngayon, umaasa ito na matatauhan na rin ang iba pang miyembro ng naturang teroristang grupo lalo na ngayon na nadakip na ang isa sa mga high ranking official.
Kung maaalala, marami na rin ang mga miembro ng mga rebeldeng grupo ang mga sumuko at nagbalik loob sa pamahalaan.
Sa ngayon, nananatili na sa kustodiya ng mga otoridad ang nasabing suspek habang inihahanda na rin ang kasong isasampa laban dito.