Matapos ang pagkatalo na inabot ng Miami Heat sa kamay ng Denver Nuggets sa nagpapatuloy na NBA Finals 2023, naghahanap na ngayon ng paraan ang koponan kung paano mapigilan ang tandem nina Nikola Jokic at Jamal Murray.
Ayon kay Miami head coach Eric Spoelstra, may ilang mga pagbabago na nais niyang maipatupad sa paghaharap bukas ng Miami at Denver para sa Game 4.
Paliwanag ni Spoelstra na kayang kaya ng dalawang magagaling na player ng Denver na pasukin ang magandang depensa ng Miami, ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon ay nagagawa ito ng mga players.
Kabilang sa mga tinitingnan ni Coach Spo ay ang i-isolate ang dalawa mula sa kanilang ‘comfort zone’.
Upang magawa ito ng Miami, kailangan aniya ng bigtime plays mula sa dalawang two-way players ng Miami na sina Jimmy Butler at Bam Adebayo.
Kailangan din aniya ng high level competition sa panig ng iba pang mga Heat players upang hindi lamang nakadepende sa kina Butler at Adebayo ang opensa at depensa.
Pagtitiyak ni Coach Spo na maghahanap sila ng paraan upang maipanalo nila ang natitirang home game, bago sila babalik sa Denver para sa Game 5.
Matatandaang sa nakalipas na game 3 ay kapwa nagbuhos sina Murray at Jokic ng 30-point triple double. Ito na ang kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng NBA na nagawa ito ng dalawang magka tandem.
Samantala, gaganapin naman ang Game 4 bukas, 8:30 ng umaga, oras sa Pilipinas.