-- Advertisements --

Nilinaw ni Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire na makakatanggap din ng special risk allowance (SRA) at hazard pay ang mga health care workers na nag-aalaga sa mga suspect at probable COVID-19 patients.

Lahat umano ng health care workers sa pampubliko at pampribadong ospital ay entitled sa naturang benepisyo.

Ang COVID patients na hindi lamang positive at negative ang saklaw nito.

Kapag sinabi raw kasing COVID patients, kasama na rito ang mga suspects at probable cases.

Ibig sabihin ay kahit may sintomas pa lang ng COVID na nararamdaman pero hindi pa nakukumpirma kung sila ay positibo o hindi.

Dagdag pa ni Vergeire na kailangang maintindihan ng mga nagpapatupad nitong benepisyo para sa mga health care workers na hindi pinipili ng kagawaran na COVID-positive lang ang inalagaan ng health care worker at sila lang ang mabibigyan.

Ginawa ni Vergeire ang paglilinaw na ito matapos makatanggap ang Department of Health (DOH) ng reklamo mula sa ilang health workers ng isang ospital sa Muntinlupa.

Ayon pa rito na dapat ibigay sa DOH ang kabuuang report ng mga reklamo ng mga frontliners para sa agarang aksyon.

Sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act, ang COVID-19 SRA ay kailangang ibigay sa lahat ng public at private health workers na direktang nag-aalaga sa mga COVID-19 patients kada buwan dahil sa umiiral na state of national emergency.

Bukod pa ito sa karagdagang hazard pay sa ilalim ng Magna Carta of Public Health Workers at active hazard duty pay sa Bayanihan 2.