MANILA – Nagbabala sa publiko ang ilang health experts tungkol sa posibleng banta sa kalusugan ng sabay-sabay na pag-inom ng iba’t-ibang gamot.
“Kapag marami kayong iniinom, maaaring may interaction ‘yan. The more drugs we take, the possibility of interaction is there… hindi natin masasabing may benepisyo ‘yang maibibigay,” ani Dr. Jaime Montoya, Executive Director ng DOST-Philippine Council for Health Research and Development.
“Kapag masyadong maraming iniinom ng sabay-sabay, we need to consult also. Huwag lang basta inumin kasi some of them may interact with each other,” dagdag ni Dr. Marissa Alejandria, presidente ng Philippine Society for Microbiology and Infectious Diseases (PSMID).
Ang pahayag ng mga dalubhasa ay tugon sa ulat na may ipinapamahagi sa ilang komunidad na “survival kits,” na naglalaman ng iba’t-ibang gamot.
Gayundin sa posibleng pagtangkilik ng publiko sa mga pinag-aaralan pa lang na gamot laban sa COVID-19.
Payo ni Dr. Alejandria, dapat magpa-konsulta muna sa doktor bago uminom ng gamot. Kung pagsasabay-sabayin daw kasi ay posibleng makaapekto ito sa bisa ng bawat isa.
“Especially kung mayroon kayong sakit sa puso, kidney, and diabetes. Baka maghalo-halo with drug maintenance medication being taken. Precaution lang.”
“Malaki ang posibilidad na nagi-interact yan o may additive effects yan na hindi natin alam, so mabuti na gawin natin yan upon the advice of a medical professional,” dagdag ni Dr. Montoya.
Ilang gamot ang pinag-aaralan ngayon ng Department of Science and Technology bilang posibleng panlaban sa COVID-19.
Tulad ng herbal medicines na lagundi at tawa-tawa, virgin coconut oil, melatonin, at convalescent plasma.