Sa harap nang muling pagsirit ng mga naitatalang bagong kaso ng COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) sa bansa at nang banta ng mas nakakahawang coronavirus variants, binigyan-diin ng isang vaccine expert ang kahalagahan nang mas mabilis na rollout ng bakuna kontra naturang respiratory disease.
Sa isang panayam, sinabi ni Dr. Maria Consorcia Quizon, miyembro ng interim National Immunization Technical Advisory Group (NITAG) for COVID-19 vaccines, na ang pinakamahalagang hakbang sa kasalukuyan ay ang paspasan ang pagbabakuna sa maraming indibidwal.
Iginiit ni Quizon na ang bakuna kasi ang siyang makakapagbigay ng pang-matagalang proteksyon sa isang indibidwal kontra COVID-19.
Noong Lunes nang sinimulan ng Pilipinas ang vaccination program nito, kung saan inuna ang mga health workers, gamit ang donasyon ng Chinese firm Sinovac Biotech na CoronaVac vaccines.
Huwebes nang dumating naman sa bansa ang shipment ng AstraZeneca vaccines sa pamamagitan ng vaccine-sharing platform COVAX Facility.
Ayon kay Quizon, ang mga bakunang ginagamit sa iba’t ibang panig ng mundo ay makakatulong para maprotektahan ang ma pasiyente at kanilang mga komunidad kontra COVID-19, anuman ang efficacy rate ng mga ito.
Dagdag pa nito, walang bakuna na 100 percent ang efficacy rate, at ang mga brand na hindi naman gaanong mataas ang rating ay nakakapagbigay pa rin ng proteksyon.
Nauna nang sinabi ng OCTA Research Group na ang efficacy ng AstraZeneca vaccine ay bumababa sa 10 percent mula 70 percent sa mga kaso ng South African COVID-19 variant.
Sinabi ni Quizon na sa ngayon wala pang bakuna na talagang panlaban sa South African variant at iba pang mutations sapagkat ang mga bakunang available sa ngayon ay ginawa para sa unang strain.















