-- Advertisements --

MANILA – Nilinaw ng isang infectious diseases expert na maaga pa para sabihing mas mataas ang tsansa na mahawaan ng COVID-19 ang mga kabataang nag-aaral mula sa kanilang bahay.

“Medyo maaga pa para mag-conclude na hindi kasing laki yung impact ng pagkalat sa school, kumpara sa pagkalat sa bahay,” ani Dr. Anna Ong-Lim, miyembro ng DOH-Technical Advisory Group.

Pahayag ito ng eksperto matapos sabihin ng Department of Education (DepEd) na mga eskwelahan ang may pinaka-mababang banta ng COVID-19 infection.

“Sinasabi na lahat ng pag-aaral, nagpapakita na ang pinaka-lowest threat ay sa schools,” Education Sec. Leonor Briones sa Laging Handa briefing.

“Ang malaking posibilidad ay sa homes, kasi that is where they spend most of their time and other places,” dagdag ng kalihim.

Pinagbatayan ng DepEd ang pahayag ni Robert Jenkins, Global Chief of Education ng UNICEF, na nagsabing may ebidensya na hindi mga eskwelahan ang main driver ng COVID-19 pandemic.

Sinasabi rin daw ng US Centers for Disease Control and Prevention (CDC) na 91% ng reported coronavirus cases sa mga bata ay na-infect habang sila ay nasa bahay.

“Evidence shows that schools are not the main drivers of this pandemic. Yet, we are seeing an alarming trend whereby governments are once again closing down schools as a first recourse rather than a last resort,” ani Jenkins sa UNICEF article.

“Most children with COVID-19 have mild symptoms or have no symptoms at all. However, some children can get severely ill from COVID-19. They might require hospitalization, intensive care, or a ventilator to help them breathe. In rare cases, they might die,” ayon sa CDC.

Ayon kay Dr. Ong-Lim, malinaw na mas malaki ang banta ng pagkahawa kapag ang indibidwal ay nae-expose sa publiko.

Lumabas daw sa isang bagong pag-aaral sa Amerika na mas nakatulong sa pagbawas ng COVID-19 cases ang pagsasara ng ilang institusyon tulad ng mga eskwelahan.

“Closing all educational institutions, limiting gatherings to 10 people or less, and closing face-to-face businesses each reduced transmission considerably. The additional effect of stay-at-home orders was comparatively small,” ayon sa Science research article.

“Kung isasama pa natin yung mga bata sa eskwelahan na sasakay sa public transportation, na magsasama ng mga lolo’t lola o magulang na maghahatid. Yung mga taong idadagdag sa community, sila rin magkakahawaan,” ani Dr. Ong-Lim.

Kamakailan nang aprubahan ng gabinete ni Pangulong Duterte ang target na pilot study sa face-to-face classes ng higit 1,000 pampublikong paaralan pagpasok ng Enero 2021.