Nakahanda na rin ang Philippine Red Cross (PRC) sa mga posibleng insidente na maaaring mangyari kaugnay ng mga tao na magdiriwang ng Semana Santa.
Ang naturang ahensya ay nagtalaga ng mga first aid station na may mga emergency medical services team sa iba’t ibang mga lokasyon sa buong bansa bilang paghahanda sa pagdagsa ng mga manlalakbay ngayong Semana Santa.
Sinabi ng PRC na ang mga medical team nito ay naka-deploy na sa mga pangunahing highway, bus terminal, beach, parke, at simbahan para sa holiday.
Ayon kay PRC Chairman at Chief Executive Officer na si Richard Gordon, kung nangangailangan ng tulong, mangyaring huwag daw mag-atubiling lumapit sa mga first aid station na nakatalaga sa iba’t ibang mga lugar.
Bukod sa pagbibigay ng tulong medikal tuwing Semana Santa, sinabi ng PRC na aktibong isinusulong dinn ng ahensya ang maayos na kalusugan at kaligtasan ngayong panahon upang maiwasan ang anumang pinsala o masamang insidente.
Ang Semana Santa Operations ng PRC ay aktibo mula Abril 1 hanggang 21 ng kasalukuyang taon.