Tiniyak ng Department of Health (DOH) na may sapat na pasilidad at bed capacity ang ng Lanao del Sur, kasabay ng inaasahang pagdating ng mga residente nilang OFW at na-stranded sa ibang lugar dahil sa COVID-19.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, 16 ang kasalukuyang bilang ng mga kaso ng sakit sa lalawigan. Maliit na porsyento mula sa 34 na total ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Mula sa nasabing bilang ng kaso sa lalawigan, pito ang aktibo o nagpapagaling. Anim naman ang gumaling, habang tatlo ang namatay.

“Sa ngayon sa Lanao Del Sur nakita natin ang kaso, nakita rin natin ‘yung kapasidad ng health system and we can say kaya nila kung saka-sakaling tumaas ang mga kaso,” ani Usec. Vergeire.

“Their health system has sufficient capacity.”

Kamakailan nang manawagan si Lanao del Sur Gov. Mohammad Khalid Adiong ng dagdag na pwersa sa kanilang probinsya para sa inaasahang pagdating ng returning residents.

Kabilang sa mga hininging pwersa ng gobernador ang mula sa hanay ng pulisya, sundalo at health workers.

Halos lahat daw kasi ng active cases sa Lanao del Sur ay returning residents sa ilalim ng Hatid Probinsya program ng pamahalaan.