-- Advertisements --

Handa ang head ng vaccine expert panel ng Department of Science and Technology magpaturok ng COVID-19 vaccine na gawa ng kompanyang Sinovac ng China.

Sinabi ito ni Dr. Nina Gloriani, head ng vaccine expert panel ng Department of Science and Technology, sa pagdinig ng House Committee on Health patungkol sa vaccination program ng pamahalaan.

Sa naturang pagdinig, tinanong ni Marikina Rep. Stella Quimbo si Gloriani kung handa ba itong magpaturok ng COVID-19 vaccine na gawa ng Sinovac, kahit pa sinasabi na 50 percent lamang ang efficacy rate nito.

Walang pag-aatubiling sinabi ni Gloriani na walang problema para sa kanya na magpapaturok ng naturang bakuna sa oras na maging available na ito sa bansa kahit hindi pa nila nakikita ang aktwal na papeles para sa efficacy nito.

Pero base sa mga pag-aaral, sinabi ni Gloriani na 100 percent ang efficacy rate ng COVID-19 vaccine ng Sinovac para maiwasan ang severe cases at 78 percent naman para sa mild cases.

Ang sinasabing 50 percent efficacy rate aniya ay para sa pangkalahatan na, kung saan pinagbasehan ang bisa nito para sa mild, moderate at severe cases.