-- Advertisements --

Itinabla ng Atlanta Hawks ang serye laban sa karibal na New York Knikcs, 107-106.

Ibinulsa ng Hawks ang Game 2 sa pamamagitan ng 4th-quarter comeback win kung saan hinabol ng koponan ang 12-point deficit na nalasap nito sa pagtatapos ng 3rd quarter.

Pinangunahan ng point guard na si CJ McCollum ang naturang comeback sa kaniyang 32 points, kasama ang clutch performance. Pinuno rin ng batikang point guard ang stat sheet kasunod ng all-around performance: 6 assists, 3 rebounds, 2 steal, at isang block.

Malaking tulong din ang 19 points at dalawang steal na ginawa ng bagong Hawks reserve na si Jonathan Kuminga, para tuluyang maselyuhan ang panalo laban sa Knicks.

Hawak pa ng Knicks ang 10-point lead, 9 mins bago matapos ang laban ngunit unti-unti itong binura ng Hawks hanggang sa mailapit sa 99-100.

Matapos nito ay sinelyuhan ni McCollum ang comeback sa pamamagitan ng isang layup at tuloy-tuloy nang hinawakan ng Hawks ang lead na umabot pa sa 107-103.

Nagawa pa ni Knicks guard Jalen Brunson na magpasok ng isa pang 3-pointer, siyam (9) na segundo bago tuluyang matapos ang laban ngunit hindi na rin ito umabanse pa dahil sa mahigpit na depensa ng Hawks.

Sa pagkatalo ng Knicks, nasayang lamang ang 29 points ni Brunson, kasama ang 18 points, walong rebounds, at dalawang block ng bigman na si Karl-Anthony Towns. (Report by Bombo Genesis)