-- Advertisements --
drugs CEBU

Bantay-sarado ngayon ang PNP Drug Enforcement Group sa panibagong uri ng ilegal na droga na tinatawag na “Happy Water” na kadalasang ginagamit ng mga party goers sa ibang bansa.

Ito ay upang matiyak na hindi makakapasok ang nasabing droga sa bansa na kasalukuyang laganap ngayon sa mga bansang tulad ng Thailand at Myanmar.

Sa isang pahayag ay nagbabala si PDEG Director, P/BGen. Faro Antonio Olaguera sa publiko patungkol sa lubhang mas mapanganib na epekto ng “Happy Water” kumpara sa iba pang uri ng party drugs tulad ng shabu, ecstacy, ketamine, Siazepam at Tramadol na isang pain killer.

Ang Happy Water aniya ay isang uri ng drogang maaari itong ihalo sa anumang klase ng inumin o pagkain na hindi madaling nade-detect ng mga awtoridad.

Ilan lang sa mga epekto nito ay ang mabilis na pagtibok ng puso, pagtaas ng blood pressure, sakit ng ulo, pagsusuka, hallucination at kung masosobrahan ay maaari pang maging sanhi ng kamatayan.

Sa ngayon ay hindi pa ito nakakapasok sa Pilipinas ngunit mahigpit na ang ginagawang pakikipag-ugnayan ng PDEG sa Philippine Drug Enforcement Agency ukol sa ilegal na droga na ito na laganap ngayon sa mga karatig bansa ng Pilipinas.