(Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Nakahanda umanong harapin ni dating Iligan City Lone District Rep. Vicente Belmonte Jr. ang hatol na firing squad o kaya’y pasukin ang kulungan.

Ito ay kung totoo at mapatunayan na siya ay nasangkot sa illegal drug trade sa bansa.

Sinabi sa Bombo Radyo ni Belmonte na kailanman ay hindi umano ito nasangkot sa anumang illegal drug activities na salungat sa paratang na inihayag ng Pangulong Rodrigo Duterte laban sa kanya.

Kaugnay nito, hinihintay nila ni dating Iligan City Mayor Lawrence Cruz kung kailan sila mabibigyan ng pagkakataon upang makaharap si Duterte para personal magbigay paliwanag ukol sa akusasyon.

Samantala, nakahanda rin umanong mamatay si Cruz maidepensa lamang at malinis ang kanyang pangalan laban sa paninira na kanyang kinaharap.

Inihayag ni Cruz na sa puntong ito ay dapat ‘wag siyang matakot at bagkus ay maging matapang upang malinis ang kanyang pagkatao.

Mariing pinanindigan nito na kailanman ay hindi umano ito nasangkot ng kahit sa anumang gawain na labag sa konstitusyon.