VIGAN CITY – Tutol ang isa sa mga matalik na kaibigan ni eight-division world champion at WBA “regular” welterweight titleholder Manny Pacquiao na labanan si IBF 147-lbs king Errol Spence Jr.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay dating Ilocos Sur Governor at Narvacan municipal councilor Luis “Chavit” Singson, sinabi nitong hindi sana tinanggap ni Pacquiao ang hamon ni Spence bilang susunod na kalaban.

Ayon kay Singson, ang sinasabing Pacman-Spence fight ay taktika lamang ni American undefeated Floyd Mayweather Jr. upang hindi matuloy ang kanilang rematch.

Bagama’t hindi pa nakakausap ni Chavit si Pacquiao, papayuhan umano nito na mas maiging ipursigi ang Mayweather fight dahil mas malaking premyo ang nataya doon.

Pero kung talagang ipipilit talaga umano ni Manny na ituloy ang laban wala siyang magagawa kundi suportahan ang kaibigan.

Sa nangyaring laban nitong Linggo nina Spence at dating 4-division world champion Mikey Garcia sa AT&T Center sa Dallas, Texas, kabilang sina Pacquiao at Mayweather sa mga nanood nang nasabing bakbakan.