-- Advertisements --
MAYON ASSISTANCE

Iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na umabot sa kabuuang Php73.9 million na halaga ang tulong na naipaabot ng pamahalaan para sa mga komunidad na apektado ng patuloy na aktibidad ng Bulkang Mayon.

Sa isang pahayag ay sinabi ng ahensya na kabilang sa mga tulong na ito ay ang pamamahagi ng distilled water, mga damit, hygiene kits, tents, shelter materials, family food packs, sleeping kits, at fuel.

Samantala, sa ngayon ay aabot na sa 10,171 na mga pamilya o 39,057 na mga residente mula sa 26 na mga barangay sa Bicol region ang apektado ng mas umiigting pang pag-aalboroto ng Bulkang Mayon.

Habang nasa 5,466 na mga pamilya naman o 18,999 na mga indibidwal ang kasalukuyang nananatili ngayon sa 28 evacuation centers, habang ang iba naman ay pansamantalang nakikitira sa kanilang mga pamilya at kaibigan.