-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Nakumpiska ng pinagsanib na puwersa ng Philipppine Drugs Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police Region 10 (PNP-10) ang nasa halos P7 million na suspected shabu mula sa limang katao sa isinagawang entrapment operation sa Purok 3, Poblacion, Kapatagan, Lanao del Norte.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni PDEA-Lanao del Norte information officer agent Pabilona na kinilala ang mga naaresto na sina Lenlen Ampaso, 41; Amrodin Adel, 23 na kapwa taga-Lanao del Norte; Johary Macarao, 24 ng Marawi City; Proxy Rauring, 41 at Abdul Sawaf Rauring, 19 na umano’y taga-Basak, Lapu-Lapu City.

Inihayag ni Pabilona na mismong ang PDEA-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang nanguna sa operasyon laban sa mga suspek na dati nang inilaglag ng mga unang naaresto na suspected drug personalities kaya isinagawa ang joint operation kahapon ng umaga.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang tinatayang nasa isang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P6.8 million.

Nakatakdang kasuhan ang mga suspek nang paglabag ng Dangerous Drugs Act of 2002 sa piskalya ng Tubod, Lanao del Norte sa susunod na linggo.