Nananatili pa ring nakabinbin ang applikasyon ng mga mahihirap na senior citizen sa bansa para sa social pension ng pamahalaan.
Sa kasalukuyan, kabuuang 466,000 senior pa rin ang naghihintay na mapasama sa listahan ng mga benepisyaryo ng Social Pension Program sa ilalim ng pamamahala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ang halos kalahating milyon ay doble mula sa dating bilang ng mga nakabinbing senior citizen.
Umaabot lamang kasi noon sa humigit-kumulang 228,000 ang mga nasa waiting list.
Sa kasalukuyan, mahigit apat na milyong mahihirap na senior citizen ang nakakatanggap ng buwanang social pension mula sa pamahalaan, at idinadaan sa kamay ng DSWD.
Sa ilalim ng social pension, nakakatanggap ang mga mahihirap na senior ng P500.00 kada buwan.
Gayonpaman, inaprubahan kamakailan ng pamahalaan ang pagtaas ng pensyon at ginawang P1,000 kada buwan.
Una na ring sinabi ng Department of Budget and Management (DBM) na dinoble ang pondo na nakalaan sa naturang programa para sa taong 2024 upang matugunan ang pag-doble sa pensyon.
Mula sa dating P25.30 billion na nakalaan sa 2023 General Appropriations Act (GAA), ginawa itong P49.81 billion para sa 2024 proposed national budget.