Na-repatriate na sa bansa ang aabot sa halos 900 overseas Filipino workers (OFWs) simula noong Mayo ng kasalukuyang taon.
Ito ay sa gitna pa rin ng pagsasaayos ng gobyerno ng Pilipinas at kuwait sa isyu sa mga polisiya para sa mga migrant workers.
Ayon kay DMW Undersecretary Hans Cacdac patuloy ang pagbabantay sa sitwasyon ng mga Pilipinong manggagawa sa naturang bansa kaagapay ang Department of Foreign Affairs (DFA).
Umaasa din ang opisyal na mapapalawig pa ang bilateral labor relations sa pagitan ng dalawang bansa.
Kung matatandaan na noong buwan ng Mayo, sinuspendi ng Kuwaiti government ang lahat ng bagong visa para sa OFWs dahil sa napaulat na paglabag umano ng Pilipinas sa kanilang bilateral labor agreement na nilagdaan noong taong 2018.
Kabilang umano sa mga paglabag na ito ay ang pagtatayo ng shelters para sa mga tumatakas na mga Pinoy mula sa kanilang mga mapang-abusong amo.
Ang pagbabawal ng Kuwait government ay tatlong buwan matapos na suspendihin naman ng gobyerno ng Pilipinas ang deployment ng mga household service workers sa Kuwait matapos ang karumal dumal na sinapit sa kamay ng anak ng amo ng isang Pinay household workers na si Jullebee Ranara na nagmitsa ng kamatayan nito.