BOMBO DAGUPAN – Hindi na sumama sa naganap na transport strike ngayong araw ang Alliance of United Transport Organization Province-wide (AUTOPRO) Pangasinan dahil halos 90% sa mga prangkisa sa lalawigan ang consolidated na.
Ayon kay Bernard Tuliao, ang Presidente ng AUTOPRO Pangasinan, base sa pahayag na inilabas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), hanggang Disyembre 31 dapat lahat ng mga unit operators ay consolidated na at makasama sa kooperatiba.
Sakali mang hindi nakapag-consolidate sa taong ito, hindi na aniya sila mabibigyan ng extension sa susunod na taon na maaaring magsanhi ng pagkawala ng kanilang hanapbuhay.
Nilinaw naman nito na ang hinihinging consolidation ay hindi naman nangangahulugan ng tigil pasada ng mga traditional jeepney.
Kaugnay nito, nagsagawa naman sila ng pagpupulong tungkol sa inilabas na kautusan ng Pamahalaang Panlalawigan patungkol sa local public transport route plan (LPTRP) upang mapag-usapan ang mga kahalintulad na usapin.
Kabilang din sa kanilang tinalakay kung ano ang mangyayari sa nalalabing 30% ng transport sector na maiiwan o kabilang sa naturang route plan dahil base aniya sa unang inilabas ng pamahalaang panlalawigan, 70% transport sector ang mawawala o apektado ang kanilang mga ruta.
Aniya, nasa unang parte pa lang naman ang pagpapatupad ng modernisasyon at ang tanging hinihiling lang sa ngayon ay ang makapag-consolidate ng mga unit.
Dahil may kamahalan ang pagmomodernisa, ang tanging panawagan lamang aniya nila ay ang rehabilitasyon ng mga jeepneys.