Aabot sa halos 70 mga kaso ang isinampa ng Philippine National Police laban sa mga pulis na sangkot sa umano’y tangkang cover-up sa kontrobersyal na 990KG biggest drug haul na naganap noong Oktubre ng nakalipas na taon.
Ayon kay PNP chief PGen. Benjamin Acorda Jr., 69 na mga administrative at criminal complaints ang kanilang inihain laban sa mga police personnel at mga high ranking officials ng Pambansang Pulsiya na umano’y dawit sa naturang katiwalian.
Aniya, ang naturang mga kaso ay kanilang inihain sa Ombudsman of the military and other law enforcement offices (Moleo) at National Police Commission (Napolcom).
Kung maaalala, una nang inihayag ni National Police Commission at Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr. na nakapagsampa na ito ng mga criminal complaints laban sa 50 mga police officers nang dahil sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Dangerous Drugs Act, Revised Penal Code, falsification, perjury, at false testimony, gayundin ang obstruction of justice na nakasalig sa Presidential Decree No. 1829.
Matatandaan din na sinabi ni Sec. Abalos na mula sa 50 mga police officers na ito, 49 sa kanila ang nakita sa CCTV footage noong araw ng pag-aaresto kay Police Master Sgt. Rodolfo Mayo Jr. na una na rin niyang isinapubliko noong Abril 10, 2023.