-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pamunuan ng South Cotabato Provincial Rehabilitation and Detention Facility kung sino ang mga posibleng nagpapapasok ng iligal na droga sa loob ng piitan.

Ito’y matapos magpositibo ang nasa 58 inmates sa isinagawang suprise drug test.

Ayon kay Jail Warden Felicito Gumapac, ikinagulat at ikinagalit nito na sa kabila ng puspusang kampanya ng gobyerno laban sa iligal na droga ay mismong sa loob ng kulungan nakakagamit ang mga preso.

Isinisisi ni Gumapac sa nakaraang administrasyon sa Provincial Jail base sa mga testigo ang paggamit ng mga bilanggo ng iligal na droga dahil umano sa kapabayaan.

Una na rin kasing may 30 inmates na nagpositibo, ngunit hindi lang napatawan ng parusa.

Kaugnay nito, sinubukang kunin ng Bombo Radyo Koronadal ang panig ng dating Jail Warden na si Juan Lanzaderas ngunit tumanggi muna itong magpa-interview.

Sa ngayon, may lead na ang mga otoridad sa ilang mga kasabwat ng mga inmates sa loob at labas ng kulungan na nagpapapasok ng mga iligal na kontrabando lalo na ang iligal na droga.