-- Advertisements --

Nasa 5,837 tauhan ng PNP (Philippine National Police) mula sa lahat ng rehiyon ang idineploy sa Reactionary Standby Support Force para tumulong sa Relief, Search and Rescue Operations sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Odette.

Ayon kay PNP Chief P/Gen. Dionardo Carlos, nakapagligtas ang kanilang mga tauhan ng 1,263 indibidwal sa ikinasang 142 rescue operations.

Sa ngayon aniya, inuuna ng kanilang mga tauhan ang road clearing operations para mas mabilis na makarating ang tulong sa mga nangangailangan.

Tinututukan din aniya ng mga pulis ang kaayusan at kapayapaan lalo pa’t may kakulangan sa mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, tubig, at gasolina sa mga lugar na napuruhan ng bagyo.

Ayon kay Carlos, tinatayang 808 PNP personnel ang idineploy para sa seguridad ng mga evacuation center.

“We will never cease to help since it is intergral in our mission. Calamities such as typhoon Odette can be best gauge the strenght of our working force even if some of our personnel are catastrophe victims too,” pagtitiyak ni Gen. Carlos.

“This is Bayanihan at its finest, where help is needed, the PNP will be there,” dagdag pa ni Gen. Carlos.

Samantala, patuloy sa pagtaas ang bilang ng mga casualty na naitatala ng PNP National Operations Center matapos ang pananalasa ng Bagyong Odette.


Sa datos ng PNP as of 6:00 AM ngayong December21, nasa 375 ang nasawi, 515 ang sugatan, at 56 pa ang nawawala.

Ayon kay PNP spokesperson Col. Roderick Augustus Alba, bukod sa relief, search and rescue effort ay nagsagawa rin ang PNP ng 453 relief operations.

Iniulat din ni Alba na nasa 534 PNP personnel ang naapektuhan ng bagyo na kanila rin binigyan ng kaukulang tulong.

May mga PNP structures din ang nasira sa paghagupit ni “Odette” lalo na sa Police Regional Office (PRO)-8 at PRO-13 na tinatayang nasa P4.6 million.