-- Advertisements --

Aabot sa 22.9 million beneficiaries sa Metro Manila, Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna ang inaasahang makakatanggap ng tulong pinansyal mula sa pamahalaan kasunod nang paglalagay sa mga lugar na ito sa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ), ayon sa epartment of Budget and Management (DBM).

Sinabi ni DBM Secretary Wendel Avisado na ang bilang na ito ay katumbas ng 80 percent ng low-income households sa mga lugar na nakapaloob sa NCR Plus bubble mula Marso 29 hanggang Abril 4 bunsod nang spike sa bagong COVID-19 infections.

Ayon kay Avisado, naisumite na nila sa Office of the President ang kanilang mga rekomenadsyon sa mga ayudang ibibigay sa mga indibidwal na apektado ng ECQ.

Bagama’t tumanggi si Avisado na sabihin kung anong mga rekomendasyon ang kanilang isinumite sa Office of the President, magugunitang sinabi kamakailan ni Sen. Bong Go na P23 billion ang available na pondo na maaring gamitin sa isa pang round ng mga ayuda.