-- Advertisements --
Philippines Statistics Authority biometric national ID 324x160 1

Iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na nakapag-imprenta na ito ng halos 29 milyong Philippine Identification System (PhilSys) identification card o national ID at nakapag-isyu na rin ng mahigit 15.7 milyong electronic ID noong Enero 13.

Kasabay ito sa pagtalima sa utos ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na makipagtulungan sa pribadong sektor para pabilisin ang digitalization ng National Identification system.

Sa hangaring mapabilis ang pag-iisyu ng ePhilIDs, sinabi ng PSA na inadopt nito ang house-to-house distribution strategy at naglunsad ng pilot implementation ng isang website para ma-download ng mga nakapagparehistro na ang PDF na kopya ng kanilang ePhilID sa kanilang mga mobile device.

Sinabi naman ni PSA Undersecretary Dennis Mapa na nais ng PhilSys na makapag-alok ng electronic Know-Your-Customer (e-KYC) service kung saan ang mga rehistradong indibidwal ay maaaring magbahagi ng kanilang data mula sa PhilSys registry sa ibang parties tulad ng mga ahensya ng gobyerno na may frontline services, mga bangko at mga remittance center.

Noong Oktubre ng nakaraang taon, sinimulan ng PSA ang pagpapatupad ng printed digital version ng Phil ID.

Sinabi ng PSA na nakapagbigay na ito ng mahigit dalawang milyong digital na bersyon ng Phil ID.

Paglilinaw ng PSA na tulad ng physical card, ang pag-claim ng naka-print na e-Phil ID ay walang ding bayad. Sinabi rin ng PSA na ang milyong printed e-Phil IDs na inisyu ay tatanggapin sa mga transaksyon.

Ang naka-print na e-Phil ID ay tatanggapin sa mga transaksyon at sapat na patunay ng pagkakakilanlan at edad sa lahat ng mga ahensya ng pamahalaan, lokal na pamahalaan, sa mga korporasyong pag-aari at kontrolado ng gobyerno, mga institusyong pinansyal ng gobyerno at pribadong sektor