Bumuhos ang libo-libong otoridad sa mga kalsada ng Hong Kong bilang pagpapatunay ng kanilang presensya para harangin ang mga magsasagawa ng kilos-protesta.
Ito’y isang araw bago ang nakatakdang debate ng mga mambabatas tungkol sa national anthem law na isinusulong din ng China sa naturang rehiyon.
Naaresto ng mga pulis ang 180 katao dahil sa di-umano’y pagsali ng mg ito sa iligal na demonstrasyon.
Nagtipon-tipon ang mga pulis sa labas ng legislative building kung saan nagtataas muna ang mga ito ng bandila bilang babala sa mga raliyista.
Nagpaulan din ang mga otoridad ng pepper balls para paghiwalay-hiwalayin ang mga nagpoprotesta.
Tatalakayin bukas ng mga mambabatas ang national anthem bill na gagawing iligal ang pang-iinsulto o pambabastos sa kantang “March of the Volunteers” na pambansang awit ng China.
Ang lalabag sa naturang panukala ay maaaring makulong ng hanggang 3 taon at pagbabayarin ng HK$ 50,000 o halos P400,000.
Iminungkahi noong Enero 2019 ang national anthem bill matapos babuyin ng mga manonood ang nasabing pambansang awit habang kalagitnaan ng international soccer match noong 2015.










