-- Advertisements --

Patuloy pang nadadagan ang bilang ng mga pasaherong nagtutungo sa mga pantalan para umuwi sa kani-kanilang mga probinsya ngayong panahon ng Semana Santa.

Sa datos na inilabas ng Philippine Coast Guard, batay sa kanilang naging monitoring kahapon, Marso 25, 2024 ay about sa kabuuang 179, 733 ang bilang ng mga pasaherong naitala sa lahat ng mga pantalan sa buong bansa.

Mula sa naturang bilang, aabot sa 95,229 ang bilang ng mga naitalang outbound passengers, habang nasa 84,504 naman ang namonitor na mga inbound passengers sa mga pantalan.

Bilang bahagi pa rin ng OPLAN BIYAHENG AYOS: SEMANA SANTA 2024 ay nagpakalat naman ang PCG ng aabot sa 6,519 na kanilang mga tauhan mula sa 15 PCG Districts.

Ang mga ito ay nag-inspeksyon naman sa 1,182 na mga vessels, at 1,770 na mga motorbanca na maglalayag upang tiyakin ang seguridad at kaligtasan ng mga pasahero.

Matatandaan na mula pa noong Marso 24, 2024 ay ITINAAS na sa heightened alert status ng PCG ang lahat ng mga districts, stations, at sub-stations nito na magtatagal naman hanggang sa Marso 31, 2024 upang tugunin ang inaasahang pagdagsa ng maraming mga pasahero sa mga pantalan.

Patuloy namang inabisuhan ang publiko na makipag-ugnayan sa PCG sa pamamagitan ng kanilang official social media platforms o sa kanilang Coast Guard Public Affairs Service number na 09275607729 para sa mga kaukulang inquiries, concerns, at clarifications kaugnay sa mga ipinapatupad na sea travel protocols and regulations ngayong Semana Santa.