Iniulat ng Metropolitan Manila Development Authority ang pagkakadagdag ng 10,000 hanggang 15,000 na mga sasakyan sa mga lansangan ng Metro Manila, simula nag-umpisa ang buwan ng Disyembre batay sa regular monitoring ng ahensiya.
Ayon kay MMDA Traffic Enforcement Group Director Victor Nuñez, ito ang pangunahing dahilan ng mga traffic buildup sa iba’t-ibang mga lansangan sa lungsod.
Ayon pa kay Nuñez, sa kabila ng pagsasara ng ilang mga eskwelahan para sa Christmas break, marami pa rin ang mga kumpulan ng sasakyan at madalas ang pagbigat ng daloy ng trapiko sa mga lansangan.
Marami sa mga ito ay namonitor sa pagsapit ng hapon at gabi, habang mas kontrolado umano ang daloy ng trapiko sa umaga.
Maalalang una nang inilabas ng MMDA ang projection nitong pagtaas ng bilang ng mga sasakyan ngayong panahon ng kapaskuhan ng mahigit pa sa sampung porsyento mula sa dating dagsaan ng mga sasakyan noong panahon ng Undas.
Batay sa projection ng ahensiya, maaaring aabot ng hanggang 417,000 ang bilang ng mga sasakyang dadaan sa mga kakalsadan ng Metro Manila bago sumapit ang kapaskuhan.
Tiniyak naman ni Nuñez na nakabantay na ang buong ahensiya sa lahat ng kalsada ng Metro Manila.
Aniya, tinatanggal ng mga traffic enforcers ang mga nakakasagabal sa trapiko, kasama na ang mga iligal na nakaparadang sasakyan.